23
1 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Gumawa ka ng pitong altar dito para sa akin at maglaan ka ng pitong toro at pitong lalaking tupa. 2 Kaya ginawa ni Balak ayon sa hiniling ni Balaam. Pagkatapos, naghandog si Balak at Balaam ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. 3 Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, “Tumayo ka malapit sa handog na susunugin at pupunta ako. Marahil darating si Yahweh upang makipagkita sa akin. Anuman ang ipapakita niya sa akin sasabihin ko sa iyo.”Kaya umalis siya patungo sa isang burol na walang mga puno. 4 Nakipagkita ang Diyos sa kaniya, at sinabi ni Balaam sa kaniya, “Gumawa ako ng pitong altar, at nag-alay ako ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat isa”. 5 Naglagay ng isang mensahe si Yahweh sa bibig ni Balaam at sinabi, “Bumalik ka kay Balak at magsalita ka sa kaniya.” 6 Kaya bumalik si Balaam kay Balak, na nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, at lahat ng mga pinuno ng Moab na kasama niya. 7 At nagsimulang sabihin ni Balaam ang kaniyang propesiya at sinabi, “Dinala ako ni Balak mula sa Aram. Ang hari ng Moab mula sa mga bundok sa silangan. 'Halika, isumpa mo si Jacob para sa akin,' sinabi niya. 'Halika, labanan mo ang Israel.' 8 Paano ko isusumpa ang mga taong hindi isinumpa ng Diyos? Paano ko lalabanan ang mga hindi nilabanan ni Yahweh? 9 Sapagkat nakikita ko siya mula sa tuktok ng mga bato; mula sa mga burol tinitingnan ko siya. Tingnan mo, may mga taong naninirahang mag-isa at hindi itinuturing ang kanilang sarili bilang isang karaniwang bansa. 10 Sino ang makakapagbilang sa alikabok ni Jacob o makakapagbilang kahit na ang ikaapat lamang ng Israel? Hayaan akong akong mamatay sa kamatayan ng isang matuwid na tao, at hayaang maging katulad niya ang wakas ng aking buhay!” 11 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Anong ginawa mo sa akin? Dinala kita upang isumpa ang aking mga kalaban, ngunit tingnan mo, pinagpala mo sila.” 12 Sumagot si Balaam at sinabi, “Hindi ba dapat akong maging maingat na sabihin lamang kung ano ang inilagay ni Yahweh sa aking bibig?” 13 Kaya sinabi ni Balak sa kaniya, “Pakiusap sumama ka sa akin sa isang lugar kung saan makikita mo sila. Makikita mo lamang ang pinakamalapit sa kanila, hindi silang lahat. Doon isusumpa mo sila para sa akin.” 14 Kaya dinala niya si Balaam sa bukid ng Zopim, sa tuktok ng Bundok Pisga, at gumawa ng pito pang altar. Naghandog siya ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. 15 Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, “Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na susunugin, habang nakikipagkita ako kay Yahweh doon.” 16 Kaya nakipagkita si Yahweh kay Balaam at inilagay ang isang mensahe sa kaniyang bibig. Sinabi niya, “Bumalik ka kay Balak at ibigay mo sa kaniya ang aking mensahe.” 17 Bumalik si Balaam sa kaniya, at masdam, nakatayo siya sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, at kasama niya ang mga pinuno ng Moab. At sinabi ni Balak sa kaniya, “Ano ang sinabi ni Yahweh?” 18 Sinimulan ni Balaam ang kaniyang propesiya. Sinabi niya, “Tumayo ka, Balak, at dinggin mo. Makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zippor. 19 Hindi isang tao ang Diyos, na kailangan niyang magsinungaling, o isang tao, na kailangang magbago ang kaniyang isip. Nangako ba siya ng anumang bagay na hindi ito ginagawa? Nagsabi ba siyang gagawin niya ang isang bagay na hindi niya ito tinutupad? 20 Tingnan mo, inutusan ako upang magpala. Binigyan ako ng Diyos ng isang biyaya, at hindi ko kayang baliktarin ito. 21 Wala siyang nakikitang paghihirap kay Jacob o kaguluhan sa Israel. Kasama nila si Yahweh na kanilang Diyos, at sumisigaw sapagkat kasama nila ang kanilang hari. 22 Inilabas sila ng Diyos mula sa Ihipto nang may lakas katulad ng isang mabangis na kapong baka. 23 Walang kulam ang tatalab laban kay Jacob, at walang panghuhula ang makakapinsala sa Israel. Sa halip, dapat itong sabihin tungkol kay Jacob at kay Israel, 'Tingnan mo kung ano ang ginawa ng Diyos!' 24 Tingnan mo, tumayo ang mga tao katulad ng isang babaeng leon, gaya ng isang leong lumabas at sumalakay. Hindi siya humihiga hanggang sa makain niya ang kaniyang biktima at inumin ang dugo ng kaniyang napatay.” 25 Pagkatapos sinabi ni Balak kay Balaam, “Huwag mo silang isumpa o pagpalain.” 26 Ngunit sumagot si Balaam at sinabi kay Balak, “Hindi ko ba sinabi sa iyo na dapat kong sabihin ang lahat ng sinabi ni Yahweh na sasabihin ko?” 27 Kaya sumagot si Balak kay Balaam, “Pumarito ka ngayon, dadalhin kita sa ibang lugar. Marahil makakalugod ito sa Diyos para isumpa mo sila roon para sa akin.” 28 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa tuktok ng Bundok Peor, na natatanawan ang ilang sa ibaba. 29 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Magtayo ka para sa akin ng pitong altar dito at maghanda ng pitong toro at pitong lalaking tupa.” 30 Kaya ginawa ni Balak ayon sa sinabi ni Balaam; nag-alay siya ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar.
<- Mga Bilang 22Mga Bilang 24 ->
Mga Bilang