Link to home pageLanguagesLink to all Bible versions on this site

1 Kaya, mga banal na kapatid, mga kasama sa makalangit na pagtawag, alalahanin ninyo si Jesus na Apostol at Pinakapunong Pari na aming ipinapahayag. 2 Siya ay tapat sa Diyos, na naghirang sa kaniya, katulad ng pagiging tapat ni Moises sa lahat ng sambahayan ng Diyos. 3 Sapagkat si Jesus ay itinuring na higit na karapat-dapat na maluwalhati kaysa kay Moises, dahil ang gumawa ng bahay ay higit na may karangalan kaysa sa bahay mismo. 4 Sapagkat ang bawat bahay ay itinayo ng isang tao, ngunit ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos. 5 Sa katunayan, si Moses ay isang tapat na lingkod sa lahat ng sambahayan ng Diyos, nagbibigay patotoo tungkol sa mga bagay na sinasabing magaganap sa hinaharap. 6 Ngunit si Cristo ang Anak na pinagkatiwalaan sa sambahayan ng Diyos. Tayo ang kaniyang bahay kung ating mahigpit na panghahawakan ang ating pananalig at kapurihan ng pananalig. 7 Kaya, gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu, “Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, 8 Huwag patigasin ang inyong mga puso gaya ng panghihimagsik na ginawa ng mga Israelita sa panahon ng pagsubok sa ilang. 9 Ito ay nang naghimagsik ang inyong mga ninuno sa pagsubok sa akin, at nang apatnapung taon na, nakita nila ang aking mga gawa. 10 Kaya hindi ako nalugod sa lahing ito. Sinabi ko, “Sila ay palaging naliligaw sa kanilang mga puso at hindi nila alam ang aking mga paraan. 11 Kaya sa galit ko sila ay aking isinumpa: sila ay hindi makapapasok sa aking pahingahan.” 12 Mag-ingat kayo mga kapatid, upang hindi magkaroon ng isang masamang puso na walang pananampalataya sa sinuman sa inyo, isang puso na tatalikod mula sa buhay na Diyos. 13 Sa halip, palakasin ang loob ng bawat isa araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ngayon, upang walang sinuman sa inyo ang maaaring mapatigas sa pamamagitan ng pandaraya ng kasalanan. 14 Sapagkat tayo ay naging kasama ni Cristo kung patuloy nating panghahawakan ang ating pananalig sa kaniya mula sa simula hanggang sa katapusan. 15 Tungkol dito ito sinabing, “Ngayong araw, kung makikinig kayo sa kaniyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso gaya ng ginawa ng mga Israelita sa kanilang paghihimagsik.” 16 Sino ang nakarinig sa Diyos at naghimagsik? Hindi ba't ang lahat na pinangunahan ni Moses na lumabas sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala, na ang mga patay na katawan ay nakaratay sa ilang? 18 Kanino sumumpa ang Diyos na hindi na sila makapapasok sa kaniyang kapahingahan, hindi ba ang mga sumuway sa kaniya? 19 Nakita natin na hindi sila nakapasok sa kaniyang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya.

<- Mga Hebreo 2Mga Hebreo 4 ->
  • Mga Hebreo